Nasa grade school pa lang ako, mahilig na akong sumulat. Hindi ko maaaring sabihin na mahusay ako dahil alam ko na maraming higit na mahusay sa akin, mga batikan at mga manunulat na kaliwa't-kanan ang natanggap na parangal sa kanilang mga akda. Sabihin na lang natin na libangan ko ang sumulat.
Pinangarap ko dati ang maging manunulat para sa diyaryo pero dahil lumaki ako na mahiyaing bata ay hindi ko naman natupad ang pangarap kong iyon. Naisip ko kasi na hindi ako bagay maging reporter dahil mahiyain ako at marami akong kinatatakutan. Siguro dahil marami akong insecurities sa buhay noong bata ako. Hindi perfect at puno ng happy moments ang childhood ko pero dahil nakamove on naman na ako mula sa mga hinanakit ko sa tadhana at pagmamalupit ng mga batang bully sa buhay ko eh masayahin naman ako ngayon most of the time. Para sa akin, pagsubok lang lahat ang iyon at masaya ako na nalampasan ko na; hindi ako bitter sa mundo. Sa totoo lang, nakaka-awa rin minsan 'yun mga taong kahit may edad na eh parang hindi pa rin nakakamove on sa unhappy childhood at naghahasik pa rin ng bitterness sa earth sa pamamagitan ng pagiging negatron (nega-tron: a play on the words negative and megatron. Napulot ko lang ang term na ito kay Chairperson Toto Villareal ng MTRCB -- ayan may citation o acknowledgement ng source). Kapag nagdadasal ako, hinihiling ko kay Lord na tulungan silang makamove on para naman mabawasan ang mga nagpapasakit ng aking ulo at nagpapabilis ng tibok ng puso ko. Nakakabawas kasi ng energy at nakaka-istorbo sa produktibong pag-iisip ang mga negatrons. Oo, gusto ko 'yun pakiramdam na bumibilis ang pagtibok ng puso ko pero 'yun eh kung nakikita, nakaka-usap sa telepono o nagtetext/chat lang yun lalaking gusto ko; pero kung ang dahilan eh dahil sa negatrons, ibang usapan na 'yun!
Bakit nga ba ako nahilig sa pagsusulat?
Una, dahil mahiyain akong bata, naging outlet ko ang pagsusulat para ilabas ang nilalaman ng aking puso at isipan. Hindi ako mahusay magsalita lalo na sa harap ng maraming tao kaya sa panulat ko naie-express ang saloobin ko.
Ikalawa, gusto kong ibahagi yun mga nalalaman ko sa ibang tao. Naniniwala ako na mas mapagyayaman mo ang kaalaman kung ibabahagi mo ito sa iba, lalo na sa paraan na maiintindihan nila. Ito siguro 'yun dahilan kung bakit ko ninais noon na maging reporter -- gusto ko 'yun ideya na "write to express not to impress" na natutunan ko sa guro ko sa pamamahayag nun grade six. Oo, kaya kong sakyan o sabayan 'yun mga sumusulat ng mga masalimuot na talata pero para sa akin, may mas mabigat na responsibilidad ang isang manunulat na sumusulat upang magbahagi (hindi magyabang) ng kaalaman. Hanga ako at mataas ang pagtingin ko sa mga taong kayang gawing simple at abot-alam ng karaniwang tao ang mga usapin. Dahil sa kanila, nabibigyan ng pagkakataon na makibahagi sa talakayan na may sapat na kaalaman ang mga Juana at Juan na payak man ang kaalaman o walang mataas na pinag-aralan ay may karapatan pa rin naman na makibahagi sa lipunan lalo na kung kinabukasan nila at mga anak nila ang pinag-uusapan.
Ikatlo, ayaw ko rin naman solohin ang mga kalokohan ko. Mayroon din naman akong sense of humor kaya sinusulat ko rin 'yun mga witty lines na naiisip ko na kung hindi man kapulutan ng aral eh baka sakaling maging dahilan ng pagtawa ng iba.
Ayan, pumasa na ako sa rule of 3 dahil 3 na ang reasons ko. Bakit ko ba kasi sinusulat ito? Bigla na lang kasi nag-pop ang thought bubble ko kanina na ang sabi eh: "writer ako hindi magician!" Lalo naman hindi ako santa kahit semana santa na -- hindi ako gumagawa ng himala! Nabanggit na rin lang ang semana santa, dapat siguro itulog ko na muna ito bago pa ako magkasala...sorry po Lord at may naisip akong hindi mabuti para sa aking kapwa kanina. Work in progress naman po ako hindi ba? Help me na lang po, please...