Gaya nang naisip ko kagabi, sumama nga ang pakiramdam ko…hindi tuloy ako nakapasok kanina. Sa isang banda, mabuti na rin iyon nakapagpahinga ako…saglit ko munang kinalimutan ang lahat ng tungkol sa trabaho, at iba pang alalahanin na gumugulo sa isip ko.
Ilang minuto rin akong nanood ng TV napansin ko na halos puro banyagang telenovela pala ang palabas tuwing hapon, kundi naman eh yun mga nagbebenta ng kung anu-anong produkto sa TV—yun tipong home TV shopping ba. Napanuod ko rin saglit yun live coverage ng canvassing ng boto para sa presidente at bise presidente…di ko na naman naiwasan ang mag-isip at magtanong…bakit nga ba ganito pa rin ang sistema dito sa bansang ito? Masyado kong maraming tinatanong, masyado kong maraming pinag-iisipan, masyado kong affected sa mga nangyayari sa aking paligid at sa lipunan…kailan ko kaya matututunan ang hindi mabagabag sa mga bagay-bagay? Ewan ko ba, bakit nga kaya ganito ko… pathetic at pati ba naman sa love life eh likely to be hopeless romantic?! Okay, I still have a lot of questions that are left unanswered. Gustuhin ko man malaman ang mga sagot, di ko alam kung paano.
Sabi nila, “mauubos lamang raw ang ating mga katanungan kung tumigil nang mag-isip ang ating isipan.” Paano kaya ang hindi mag-isip?
Pinagalitan ako ng teacher ko noong grade two…mali kasi yun sagot ko sa recitation sa math tsaka sa mga nakaraang exam, mababa rin ang grade ko. Sa harap ng buong klase, sinigawan niya ko at sinabing DI AKO NAG-IISIP…inutusan din niya ko na umalis sa upuan ko at lumipat sa row 4 (uso kasi noon yun paghahati ng buong klase sa apat na rows: nasa row 1 yun mga “matatalino” dito tabi-tabi yun mga nasa top ten ng klase; sa rows 2 at 3 yun mga “average” students at sa row 4 naman yun mga kung tawagin ay “slow learners” – yun ang tawag ng mga teachers pero ang tawag ng mga estudyante at mga kadalasan eh paki-alamerang nanay na laging nakatambay sa school eh mga bobo. Umiyak ako noon kahit hindi umuulan…di ko kasi maintindihan kung bakit kailangan gawin yun ng teacher ko. Ang tagal na ngang panahon nun eh…halos labing-walong taon na ang nakakaraan, pero hindi ko pa rin nakakalimutan yun instance na yon. Mula noon, naisip ko na mahirap talaga ang math. Parang nakakaloko…noong mag-recognition day kami nung grade two, ako yun third honor tapos ako rin yun best in math! Di ba parang isang kahibangan?! Matapos niya kong sabihan na di nag-iisip, nasama pa ko sa honor roll at naging best in math! Ang mga pinararangalan ba sa lipunang ito ay ang mga hindi nag-iisip? Siya nga pala…yun teacher ko na yun, naging isa rin siya sa adviser ko sa journalism noong nasa grade six na ko…ang dating estudyante niya na di nag-iisip, kinatutuwaan at ginawa pang punong patnugot ng school paper! Noong magkaroon ng assessment exam ang lahat ng graduating students at piliin ang ten best students sa bawat subject nakakatawang nakasama na naman ako sa “ten bests” in math! Ewan ko ba…inisip ko na lang na baka frustrated lang noon o sadyang mainit ang ulo ng teacher ko at ako ang napagtripan. Isa siya sa mga taong di ko na yata malilimutan sa buong buhay ko…siya rin yun lumapastangan at lumait sa penmanship ko—para raw kinalahig ng manok, parang di raw niya ko naging estudyante (sa public school kasing pinasukan ko, grade two kami tinuruan sumulat ng dikit-dikit). Hindi ko lang alam kung saan ko pa hahagilapin yun teacher ko na yun pero kung makita ko siya, baka di ko mapigilan ang sarili ko na tanungin siya kung paano ang hindi mag-isip!
Haay…epekto kaya ito ng pagkabasa ng akin bunbunan kagabi? Buti na lang walang load ang cellphone ko…hindi ko nagawang mag-text ng kung anu-ano.
No comments:
Post a Comment