Tag-ulan!
Ang tagal kong hinintay ng pagdating ng tag-ulan! Kanina, bumaba ako ng fx sa Don Antonio, gaya ng dati, umakyat sa overpass para tumawid…pero iba ang gabing ito…nasa fx pa lang ako nang mapansin ko na umaambon. Sa wakas! Ito na nga ang hinihintay ko…tag-ulan na! Slow motion ang mundo ko sandali ko munang kinalimutan ang nababalitaan kong naglipana na rin ang mga magnanakaw sa lugar na iyon. Di tulad nang karaniwan kong pagtawid sa overpass, dahan-dahan akong naglakad…naalala ko nung isang gabing pauwi ako sa amin…sayang, sana binagalan ko nang husto ang lakad ko, sana mas matagal ko siyang nakasama…yun kaming dalawa lang. Ewan ko ba, basta sanay lang ako na mabilis lumakad…pero iba ang gabing ito! Unang araw ng buwan ng Hunyo, pumatak ang ulan…halos isang taon na rin ang nakalipas. Iba ang gabing ito…gusto kong maranasang muli ang maglakad nang mabagal at damhin ang bawat patak ng ulan.
Hindi ko na matandaan kung kailan ko huling ginawa ang maligo sa ulan. Hindi naman malakas ang ulan kanina…ambon lang naman pero sapat na rin para maramdaman ang bawat patak nito sa aking balat. Pakiramdam ko bumalik yun dating ako…yung ako na naghihintay na pumatak ang ulan para umiyak. Pag naliligo ako noon ng ulan, hindi nila alam na umiiyak ako…hindi naman halata. Saglit ring sumagi sa isip ko na baka magkasakit ako sa ginagawa ko, pero bahala na…masaya ko dahil naglalakad ako sa ulan…hindi mabilis, hindi ako nagmamadali. Naalala ko na naman yung gabing yon…hindi, hindi na ko iiyak…baka naman mapagkamalan akong baliw ng mga tao!
Noon, ang problema ko mga simpleng bagay lang…mga simpleng bagay sa paningin ko ngayon, pero noon napaka-bigat na problema na kailangan ko pang pagpuyatan, pag-isipan at kung minsan iyakan. Yun sakit tuwing lilinisin at gagamutin yun mahabang mga sugat sa kaliwang binti ko matapos magasgas nang malalim sa hollow blocks habang naglalakad ako sa gilid nun ginagawang bahay sa tabi namin, yun school bag ko na nasira, yun tenga ko na laging nagsusugat sa tuwing pabubutasan ko para lagyan ng hikaw, yun takot ko sa mga butiki, yun homework na di masagutan, yun project sa Filipino na mag-drawing ng apat na comic strips ng noli me tangere sa illustration board, yun mahabang absence ko sa school dahil nadale ko ng bulutong-tubig, yun math teacher ko na lagi akong tinatawag para mag-solve ng algebra problems sa board, yun teacher ko sa values ed na nagalit sa amin dahil di niya nagustuhan ang isang article sa campus paper, yun exam permit na naiwan ko sa bahay at na-realize ko lang noong patawid na sa riles ng train yun bus sa may espaƱa, yun prof. ko sa econ na dating dean ng college na nababalitang malupit magbigay ng grade, ang pag-iisip kung paano ilalagay bilang entry sa ledger ang bawat transaction, kailan debit? kailan credit? Ang mag-memorize ng articles at tables sa law at taxation, yun takot sa law 3 prof ko nun last sem ko sa uste dahil sa lupit nun eh delikado pa ang graduation…ngayon, tinatawanan ko na lang ang marami sa mga iyon. Pero ang mas nakakatawa, yun mga problema ko ngayon, sa pananaw ko noon napaka simple lang naman. Sabi ko noon, simple lang naman ang mabuhay. Madali lang naman ang maging masaya. Pero bakit kaya ngayon, na-realize ko na hindi pala? Habang tumatagal, marami akong natutuklasan na mga bagay na nagdudulot ng kalungkutan. Noon, parang ang daling mag-decide pero ngayon ang dami palang dapat na isa alang-alang sa bawat desisyon na gagawin ko.
Ang layo pala talaga ng nilalakad ko gabi-gabi pag umuuwi ako…ang dami ko nang napag-isip isip eh naglalakad pa rin ako. Siguro dahil mabagal akong maglakad kanina…ang sarap maramdaman ng ulan na dumadampi sa balat ko. Naramdaman ko kung paano naipon sa ulo ko ang bawat patak at dahan-dahang dumaloy pababa sa gilid ng mukha ko. Parang gusto ko na lang maging isang yelo…kung magiging yelo ko, gusto kong matunaw sa patak ng ulan, hindi sa init ng araw. Gusto kong unit-unting matunaw sa bawat munting patak ng ulan…gusto kong sumama sa tubig gusto kong bumalik sa aking pinagmulan…ang maging tubig. Siguro magiging masaya ko sa piling ng bawat munting patak…muli akong dadaloy kasabay ng pag-ikot ng buhay. Ayaw kong matunaw sa ilalim ng init ng araw. Mapanlinlang ang araw…sa umpisa nagbibigay ng init, parang isang damdaming nag-aalab…parang may dalisay na hangarin na magbigay ng init na tila ba yakap ng isang taong nagmamahal. Pero mapanlinlang ang araw…tuluyan niyang tinutunaw ang yelo hindi upang muling dumaloy kasama ng tubig kundi upang dalhin sa himpapawid…sa himpapawid kung saan bigla ka na lamang niyang iiwanan. Palutang-lutang, paikot-ikot hanggang makahanap ng karamay…hanggang maging mga ulap na ligaw. Ang mga ulap! Akala mo kay gandang tingnan…pero ang totoo, sila yun mga pusong ligaw na iniwan ng araw sa kalangitan…nangungulila, nangangarap na sana makabalik sa pinag-mulan. Naghihintay sila…naghihintay ng mga karamay hanggang sa makabuo ng lakas at puwersa upang bumalik sa kanilang pinag-mulan…babalik sila bilang ulan. Kaya siguro gusto ko ang tag-ulan, kaya siguro nagagawang ikubli ng patak ng ulan ang aking kalungkutan. Marahil sadyang itinadhanang dumaloy kasabay nito ang bawat patak ng luha sa aking mga mata. Siguro naiintindihan ako ng ulan.
Mabuti na lang tag-ulan na! Hindi na magluluha ang mata ko sa tindi ng sikat ng mapaminsalang araw. Nagiging masaya lang naman ako tuwing tag-araw kapag napapasyal ako sa dagat. Sa dagat naaalala ko kung paanong mangarap. Nagkakaroon ako ng pag-asa na sa kabila ng lahat ng problema at hinanakit, meron pa ring solusyon, meron pa ring karamay. Maraming kwento ng wagas na pag-ibig at pagtitiwala sa dagat—kung paano nahati ang dagat upang iligtas ang mga Israelita sa kamay ng Ehipto, ang kwento ng mga bakas ng paa sa buhangin sa baybaying dagat, kung paano nakalakad si Pedro sa ibabaw ng tubig…Sayang nga eh, lumipas ang summer na ito na hindi ako nakapunta sa dagat. May plano sana, kaya lang hindi ako nakasama eh, di kaya ng aking bulsa kaya di ako nakasama. Pero di bale, tag-ulan na naman eh!
Bigla nga palang lumakas ang ulan kanina! Mabuti na lang malapit na ko sa sakayan ng tricycle. Napilitan na rin akong ihinto ang aking pagmumuni-muni at maglakad nang mabilis. Pagsakay ko ng tricycle, tsaka ko lang na-realize na basa talaga ko…buti na lang at pauwi na ko. Hindi naman siguro ko magkakasakit, kung magkasakit man ako…who cares di ba? Bukod sa maaaring maapektuhan dahil sa trabahong di ko magagawa sa opisina (kung meron man) at sa Mama ko na bibili ng gamot, wala naman. Hindi naman kasi masyadong malaking kabawasan sa kita ng tricycle, fx at jeepney driver ang pamasahe ko kung papasok ako eh…isa pa, kikita naman ang nagtitinda ng gamot at royal true orange pag nagkasakit ako…give chance to others sabi nga nila!
Ano kaya ang nararamdaman ng araw tuwing umuulan?
No comments:
Post a Comment