Sabi sa akin kanina, dapat raw matutong magpasensiya sa mga bagay, pangyayari at maging tao na sadyang nakakaubos nito. Dagdag pa niya, ang tangi natin kayang panghawakan ay ang ating sariling damdamin, at ang tangi natin kayang baguhin ay ang ating sarili. Hindi raw tayo dapat maghangad na baguhin ang ibang tao upang hubugin sa anyo na nais natin. Hindi rin daw tayo ang may hawak ng lahat ng nagaganap at maaaring maganap sa ngayon, at sa hinaharap.
May punto naman siya. Pero mas madaling sabihin ito kaysa gawin. Palagay ko, sa maraming pagkakataon, nakakayanan ko na ang magpasensiya. Pero, kapag sobra na, hindi ko maiwasan na maglabas ng hinanakit at pagkadismaya. Tao lang din naman ako, at hindi ko naman pinapangarap na maging kung ano para pagtiisan lahat ng nangyayari.
Noon, tumatahimik lang ako bilang pagtanggap sa pagkakamaling nagagawa ko rin naman, pero kahit madalas sobra na ang mga salitang kanilang binibitiwan, dedma na lang para huwag na humaba ang usapan. Siguro, bilang paggalang na rin sa mga nasa posisyon at nakatatanda; o bilang pag-unawa na rin sa kung anu mang dahilan ng pag-init ng kanilang ulo at sa akin nabunton ang sermon.
Pero nun tumagal, naisip ko na tila yata taliwas ito sa sinasabing empowerment. Sa palagay ko, dapat lang naman na isabuhay ang kung ano man ang sinasabing isinusulong nila sa pamayanan. Unti-unti, natuto akong magsalita, magpahayag ng hinaing, ng puna, ng saloobin, ng ilang makabagong paraan para gawin ang ilang bagay. Yun ilang makabagong paraan, napansin din naman at napakinabangan. Yun nga lang, kadalasan dahil ako ang nakaisip ay ako na rin ang gumagawa. Mas madali kasi ito eh – hindi ako mahilig magpa-awa o magmukhang helpless, hanggat magagawa ko ang mga bagay bagay ay ginagawa ko ang mga ito; kaya kapag humingi ako ng SOS, seryoso iyon at hindi ako nag-iinarte lang. Pero sino nga ba naman ang nakaka-alam nito? Inaabot nga ng ilang buwan, at kung hindi pa ako sumulat ng isang liham na may laman ay tila ba hindi ako pakikinggan. Bakit kaya? Hindi lang minsan ako napatanong ng ganyan. Dahil ba tingin nila bata ako? Dahil ba tingin nila hindi naman ako nahihirapan at patawa-tawa lang ako? Dahil ba tingin nila ay sisiw lang naman ang ginagawa ko at ng mga kasama ko? Hindi ko alam. Hindi ko sila maintindihan. Ang alam ko lang, maraming nagaganap na hindi na makatarungan at hindi ko alam kung anong uri ng pangangatwiran ang patuloy na umiiral. Nakakapagod na talaga ang ilang sistema. Nakakapagod na rin ang paulit-ulit na reklamo at wala na akong makitang malinaw na punto kung hindi ang pagtuligsa sa tao. Nakakapagod na nakakadismaya kasi para bang mawawala na lang ang lahat sa isang iglap. Pero alam ko na hindi naman.
Hindi ko lang maiwasan na itapon ang mga pangungusap na ito. Sobrang dismayado lang talaga ako sa mga kaganapan. Nililibang ko na nga lang ang sarili ko sa pamamagitan ng paggrupo sa mga nasa paligid ko habang tumutugtog sa likod ng isip ko ang awit ng Batibot na, “pagsama-samahin ang pare-pareho, ang magkakatulad ay ating i-grupo; kay sayang libangan, kay daling gawin; ang pare-pareho, pagsahin natin!” Kung ano at sino ang nasaan at kailan, akin na lang iyon at sa malalapit kong kaibigan na karamay ko lalo na sa oras na naman gipitan!