Gaya ng dati, malulungkot na naman ako. Hindi dahil makakalayo na kami ng mga kaibigan ko. Alam ko namang magkikita-kita pa kami at magkaka-usap sa telepono. Pero, ayaw ko lang talaga ang Abril at ang Mayo.
Umulan sana para hindi mainit. Kapag umuulan, sumisilip ako sa bintana pinagmamasdan ko ang bawat patak nito na bumabagsak sa sementong bakuran sa tapat ng aking silid.
Iniisip ko, sana tulad ng mumunting patak ng ulan, tumulo rin ang aking luha. Hindi dahil nalulungkot ako at magkakalayo na kami ng mga kaibigan ko. Gusto ko lang umiyak, ‘yun may ibang dahilan, na kung ano man ‘yon, hindi ko alam. Kaya nga hindi ako maiyak.
Lumuluha lang naman ako kapag napapagalitan ako ng Mama ko. Madalas naluluha rin ako kapag napupuwing ang mga mata ko. Nung minsan, naluha ako dahil na-semonan ako ng teacher ko sa klase. At ang huli, noong namatay yun alaga kong aso.
Lagi namang umuulan kapag Hunyo. Pero hindi ko pa rin alam kung paano akong maiiyak. Buti pa yun kaklase ko noong 4th year high school, umiyak siya dahil hindi siya nakasama sa honor roll.
Ewan ko ba kung bakit gusto kong umiyak. Yun iba nga sawang-sawa na sa kaiiyak, ako, hindi pa rin makahanap ng dahilan para lumuha.
Rail-road crossing na, malapit na naman akong bumaba ng FX. Ilang araw ko na lang tatahakin ang mahabang kalye ng España. Akala ko noon, mas mahaba ang pinag-dugtong na Commonwealth Avenue (mula Don Antonio) at Quezon Avenue, kasama ang half circle ng Elliptical Road…mas mahaba pala ang España, mula Mabuhay Rotonda hanggang UST!
Malapit na naman palang matapos ang semester. Ano na naman kaya ang grade ko sa class card? Sana naman matataas ang makuha ko, para sa susunod na semester eh tumaas rin ang baon ko
Oo nga pala, 4th year na ulit ako.Hindi na pala ako hihingi ng baon sa Mama ko sa susunod na semester, dahil nga gra-graduate na ako. Ang bilis naman ng panahon.
Sayang, nag-eenjoy pa naman kami ng mga kaibigan ko sa panonood ng ibon at pagong na nasa UST. Meron din palang electroluxman doon, kaya lang, nitong huling semester lang naming sila napansin.
Eh, hindi na rin namin makikita ng malapitan ang buwan. Wala pa rin kaming naihahandang kandila, baka magbrown-out. Gusto sana ni Millete ng tilapia, kaya lang, wala naman tindang gano’n sa Jollibee Asturias.
Basta ang alam ko, ito ang pinakamasayang semester ko sa UST. Siguro dahil marami kaming napaglilibangan. Ilan nga kaya ang damit ng pagong? Buti pa ang ibon, hindi mo mabilang at may sari-sari pang kulay. Kailan kaya kami aalukin nung electroluxman? Gusto pa naman yata ni Sansu ng vacuum cleaner. Kailangan palang maghanda ng kandila dahil baka matinik si Millete sa pagkain ng tilapia kung sakaling bigla na naman takpan ng quarter moon ang liwanag ng araw.
Ano kaya ang lasa ng kang-kong? Paborito raw ‘yon ng pagong eh. Natutuwa talaga ako sa isang pagong na madalas kong makita sa UST. Eh bagay pala sa pagong ang umupo sa upuuan nun mamang mahilig maghanap ng ID.
Sayang, tapos na halos ang semester, at gra-graduate na kami. Hindi na naming makikita ang pagong at ang ibon. Hindi na rin makakabili ng vacuum cleaner si Sansu, at hindi pa rin siya nakikinig sa amin kapag sinasabi namin na matanda na yun matsing sa UST. Bakit parang napakabilis ng panahon? Tapos na pala ang semester at hindi na kami papasok sa paaralan.
Tuloy, malulungkot na naman ako. Pero hindi dahil makakahiwalay na kami ng mga kaibigan ko, alam ko naman na magkikita pa rin kami o magkaka-usap sa telepono. Hindi rin dahil malapit na ang Abril at ang Mayo.
Inaabangan kong muling pumatak ang ulan.Tulad ng dati, sisilip ako sa aking bintana upang muling pagmasdan ang bawat butyl ng ulang bumabagsak mula sa kalangitan. Siguro, maaari na akong lumuha nang may dahilan. Sa tingin ko, sapat na ang dahilan ko para maiyak.
Ang hirap palang magpaalam kapag hindi mo pa nakakasama yun taong dapat mo nang kalimutan. Yun bang, ayaw mong magkahiwalay kayo dahil hindi pa kayo nagkakasama.Maaari palang nasa harap mo na ang isang tao pero hindi mo pa rin maabot. Bakit nga kaya hindi?
Nawa’y muling bumuhos ang ulan sa lalong madaling panahon. Nawa’y tuluyang umagos ang bawat patak nito patungo sa karagatan. Hindi na ako muling magmamasid sa bawat patak nito sa tapat ng aking bintana. Sasalubungin ko ang bawat patak nito upang pag-takpan ang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata. Nawa, kasabay ng ulan ay tuluyang umagos sa malawak na karagatan ang aking luha, kasama ang bawat ala-ala ng katahimikang nagturo sa akin kung paano ang mangarap.
Tulad ng isang ibon, muli akong lilipad kapag tumila na ang ulan. Patuloy kong ikakampay ang aking mga pakpak upang maglakbay. Babaunin ko ang bawat aral na aking natutunan sa patuloy kong pagtahak sa landas ng buhay. Hindi ko rin kalilimutan na tawagan ang aking mga kaibigan na nakasama ko sa bawat lungkot at kaligayahan, sa bawat pangarap, sa bawat panaginip, sa bawat araw na natutunan ko kung paanong magbahagi ng parte ng aking buhay.
Natuklasan ko na hindi ko pala gusto ang lasa ng kang-kong. Maghihintay na lang ako na magtinda ng tilapia sa Jollibee—tiyak na matutuwa si Millete! Sana, makakita rin si Sansu ng mas batang matsing. Kailan ko kaya maririnig si Jhoei na kumanta ng “if you leave me now…?” Sana makilala na ni Ate Paz ang kapatid ng pagong para i-style ang hair niya. Si Kat kaya, kailang malalagyan ng letter ang question mark niya?
Sana pag-alis ko, hindi na ako maiyak. Gusto kong umalis ng may ngiting nagmumula sa puso at nasasalamin sa mga mata. Hindi na ako malulungkot. Iisipin ko na lang na balang araw, babalik din ako -- maaaring upang gunitain ang masasayang araw ng nakalipas, o pwede rin namang upang gumawa ng mga bago, mas masaya, at matamis na ala-ala...
No comments:
Post a Comment