....ang pinagmulan ng lahat ay isang post sa forum ng KKBMovement.org na..
wuy!.. masyadong mdrama 2.. hehe,, pero..Naisin ko man na maging purong tagalog ang sagot ko, marahil ay hindi ko rin maiiwasan na gumamit ng wikang banyaga..
nais ko lng sna malaman ang mga paraan nyo sa paglimot sa isang tao na minsan naging parte ng buhay mo.. L tagalog lang po tayo ha.. :P para mas ramdam, db?
‘wag mo lang subukan kalimutan. dahil habang pinipilit mong kalimutan, lalo mo lang maaalala. ‘wag kang mag-alala, sa paglipas ng panahon unti-unti rin mawawala yun sa ala-ala mo.. pasasaan ba at tatanda ka rin at magiging ulyanin! kung nais mong mapadali ito, iwasan ang pagkain ng mga pagkaing pampatalas ng isip pati na rin ng mga pinapatalastas sa telebisyon na bitaminang tulad ng memo plus gold at glutaphos.
teka, ano nga ba ang pinag-uusapan dito? usapang adik ba ito (hindi sa droga ha, ‘di mabuti yun) as in adik ka kaiisip sa taong yon? pwedeng isang kaibigan, kamag-anak, kasama sa trabaho, kaklase, o kaya boy/girl friend, o kahit sino basta tao na pilitin mo man ay hindi mo maiwaglit sa iyong isipan, lagi mong naaalala at nais mong muling makasama.
ayon sa aklat na “how to break your addiction to a person” na sinulat ni Dr. Howard M. Halpern noong panahon na malamang hindi pa isinisilang ang mga KKB sa ngayon, “attachment hunger” ang sanhi ng pagiging adik mo sa isang tao. inumpisahan kong basahin may pitong taon ang nakararaan ang librong ito pero hindi ko natapos kasi tinamad ako. sa makatwid, hindi ako na-adik sa pagbabasa sa kanya dahil yun mga tipong mind-boggling na libro na tulad ng kina Scott Turrow, John Grisham, Nancy Taylor Rosenberg at Mary Roberts Rinehart ayaw kong tulugan hanggat di ko tapos basahin tapos nagigising na lang ako sa umaga na hindi ko alam na nakatulog ako. kaya siguro kahit tanungin mo ko ngayon kung anu-ano nang libro nila ang nabasa ko eh hindi ko matandaan kasi karamihan, pagkatapos kong basahin at nalaman ko na ang ending at napag ugnay-ugnay ko na sa isip ko ang mga pangyayari eh ayos na, ‘di ko na masyado iisipin. pero hanggat may mga tanong sa isip ko eh hindi ako makakatulog at makatulog man ako eh hindi matahimik ang utak ko – pasaway talaga!
teka nga, mabalik tayo sa paksa, ikaw ba yun bang tipong ang drama sa buhay eh “hindi ako mabubuhay ng wala siya” o kaya “siya lang ang nagbigay ng kulay sa buhay kong puno ng pasakit at pagdurusa.” adik na adik nga ang dating mo! yun tipong umiikot na lang sa kanya ang mundo mo. tandaan, anumang sobra ay hindi mabuti. bago ka pa maging permanent resident ng mental hospital eh tigilan mo na yan.
subukan mong ituon ang atensyon sa ibang bagay tulad ng pagsusulat. naku, hindi ko sinasabing sabuyan mo ng pintura lahat ng billboard sa kahabaan ng EDSA; sulatan ng “make peace not war” ang lahat ng pedestrian overpass o di kaya eh sulatan ng “LINISIN MO AKO” gamit ang iyong kaliwang hintuturo ang lahat ng maruming salamin ng kotse at gusaling iyong matagpuan! hindi vandalism ang tinutukoy ko kundi pagsusulat – sa journal, sa notebook mo, kung saan mo trip, kahit sa blog mo pa.
libangin ang sarili sa pamamagitan ng pagtingin sa kawalan. isang araw, may makakapansin sa iyo at aakalain niyang nakatitig ka sa kanya. matutuwa siya at isiping napaka ganda/gwapo niya kaya mo siya tinititigan (tapos feeling niya may background music kang naririnig habang nakatitig ka sa kanya: “you’re just too good to be true, can’t take my eyes off you; you feel like heaven to touch, oh I wanna hold you so much..). bigla siyang mapapangiti, mag-aayos ng buhok, papantayin ang kuwelyo o kung walang kuwelyo eh magpapanggap na meron (tapos sa isip niya, kumakanta siya ng, “hindi kaya ikaw, baka ikaw na nga..”). ikaw naman, nakatingin pa rin sa kawalan at tila ‘di siya nakikita. magugulat ka na lang kapag nilapitan ka niya at nagpakilala. ayos, may bago ka nang kaibigan! o kung hindi mo naman siya gustong kaibigan eh may bago ka nang iisipin – kung paano umiwas sa isang stalker! tumakbo ka na lang. kung nagkataong nasa mall ka, pumasok sa isang tindahan at bumili ng bagong damit. ‘wag mo na isipin kung mahal ang presyo ang mahalaga eh matakasan ang stalker mo. kung meron kang makikita, bumili ng wig, malaking shades, at wide-brim hat. iterno ito sa bago mong outfit. dumaan sa tindahan ng sapatos at bumili ng tsinelas. siguruhing solid colors ang lahat ng gamit na bibilhin at kinabibilangan ng mga kulay na ito: pula, dilaw, bughaw, luntian, fuchsia, itim at puti. dumaan ka sa isang orthodontist at magpakabit ng braces; kung nakapustiso ka naman, alisin muna pansamantala. sa dami ng inikutan mo, malamang naligaw na ang stalker mo. pero kung sakaling may lahing detektib pala siya at nasundan ka pa rin, malamang ay hindi ka na niya type sa ayos mong ganyan. kung sakaling type ka pa rin niya, malaking problema yan.. tumawag sa mental hospital at i-report na natagpuan mo ang nakatakas nilang pasyente. ngayon lalo kang magpupursigi na kalimutan na yun taong gusto mong kalimutan sa takot na maging magka-kosa kayo ng stalker mo as mental.
bilog lang talaga ang buwan! eto na, seryoso na..
marami pang ibang tao sa paligid mo na pwede mong pagtuunan ng pansin. makipag bonding sa iyong mga magulang at kapatid. higit kanino mang tao, pamilya mo pa rin ang lagi mong takbuhan at tatanggap sa iyo kahit na talikuran ka na ng buong mundo. nariyan din ang iyong mga kaibigan. baka naman dahil sa isang tao eh medyo napabayaan at napalayo ka na sa kanila. at siyempre, ‘wag isara ang mata, puso at isipan sa mga taong hindi mo pa kakilala. itigil mo yang drama mong, “hindi ko kailangan ang kaibigan, marami na akong kaibigan!” malay mo, andyan lang pala sa paligid mo ang taong tunay na magpapahalaga at magmamahal sa iyo kaya lang masyado kang abala sa paglimot sa isang taong wala na o malayo na. ayos lang ‘yan, makipagkaibigan ka lang. wala naman masama run. pag marami ka na kaibigan, as in sobrang dami na talaga at isa ka nang bonggang bonggang sikat sa buong bayan, pwede ka na tumakbo sa darating na halalan o di kaya eh sumali sa mga kontest sa tv kung saan pwede kang manalo sa pamamagitan ng text votes ng sangkaterba mong kaibigan sa iyo! (sabi na kasi bilog ang buwan eh!)
bravo! magnifico! =)
ReplyDelete