- Huwag kayong malungkot para sa akin dahil hindi naman ako nalulungkot. Ayaw kong maging dahilan ng kalungkutan ng ibang tao.
- Nabanggit ko sa isang nakalipas na blog ang linya ng dati kong propesor sa taxation 1 na “I don’t get mad, I get even.” Pero dahil sa pinipilit kong magpakabait kuno, napagisip-isip kong masama ang maghiganti sa kapwa. Kung sa bagay, hindi naman talaga ako gumaganti (maliban na lang kung asaran lang ang usapan). At isa pa, nauubusan din ako ng pasensiya kaya hindi sa lahat ng pagkakataon eh mapipigilan ko ang sarili ko na mainis. Pero ‘di ba masama rin naman ang mainis? Hmm..paano na? Eh hindi ko talaga maiwasan pag sobra na eh!
- Naiinis ako sa mga taong hindi marunong umamin ng pagkakamali. Paanong mababago ang sitwasyon kung wala kang pagkilala na mayroon kang mga pagkukulang? Kung hindi ka pwedeng ituwid ng magulang mo eh di sana ikaw na lang ang magulang at siya ang anak. Kung mas magaling ka sa boss mo eh di sana ikaw na lang ang boss at siya ang staff. Hindi ko sinasabing maging sunud-sunuran ka sa kung kanino man. Gusto ko lang bigyang diin ang halaga ng pakikinig sa pagtatama nakatatanda o nakatataas. Oo, may karapatan ang bawat tao na ihain ang kanyang mga hinaing pero dapat unawain na dapat handa ka rin na makinig kung ano ang sinasabi sa iyo. Oo, maaaring napakarami ng kapalpakan o pagkukulang nila sa iyo, hindi sila perpekto pero ikaw ba, perpekto ka bang tao? Kung ganun ang tingin mo sa sarili mo, malaking problema yan dahil hindi ka tao! Alamin mo kung saang planeta ka nagmula at bumalik ka agad roon para maging mas tahimik, payapa at mabawasan ang mga pasaway sa mundo.
- Kung may problema ka sa akin; sa akin mo sabihin hindi yun talak ka nang talak sa ibang tao tungkol sa pagkukulang ko sa iyo. Siguraduhin mo lang na handa ka rin marinig kung ano ang sasabihin ko.
- Kung may issue ka sa isang taong malapit sa akin, huwag mo akong idamay. Huwag mo akong pagalitan o pagtaasan ng boses dahil sa mga pagkakamaling hindi naman ako ang may gawa.
- Hindi ako nahihiyang magtanong kung hindi ko alam ang ginagawa ko. Kapag tahimik ako ibig sabihin alam ko ang ginagawa ko.
- Bago mo ko sermonan, alamin mo muna sana kung bakit ganun ang kinalabasan. Hindi ako tanga para hindi mapagtanto na huli na talaga yon. Pero may mga pagkakataon na kailangan mong ihabol kahit huli at umasa na pwedeng umabot. Imbes na pasakitin mo ang eardrums at damdamin ko sa paninisi sa akin samantalang nais ko lang naman makatulong, sana tinulungan mo na lang din ako bago tuluyang mahuli ang lahat.
- Huwag mo akong iwasan dahil nahihiya ka at iniisip mong galit ako, masama ang loob ko o nasasaktan ako. Kung galit ako sa iyo, ni hindi ko gugustuhing makita ka at gagawa ako ng paraan para hindi mangyari ‘yon. Walang kaso sa akin ‘yon, mas naiinis ako sa ginagawa mong pag-iwas dahil naiisip kong ganun pala kababaw ang tingin mo sa akin.
- Hindi ko sinasadyang balewalain ka. Talagang napakarami ko lang iniisip sa mga panahong ito. Sana lang maintindihan mo yun kasi kapag nagtampo ka o nag-isip ng kung ano tungkol sa hindi ko pagbibigay ng oras sa iyo eh madadagdagan lang ang mga inaalala ko.
- Salamat sa mga umuunawa sa akin, lalo na nitong mga nagdaang dalawang buwan hanggang sa ngayon. Salamat sa mga payo, sa pagpapatawa, sa pag-alala, sa pagpaparamdam ng importansya at pagmamahal. Dahil sa inyo, lalo kong napatunayan na love pa rin ako ni Lord kahit na pasaway ako.
- Sabi ng isang kaibigan, bago mo ipagkalat ang isang impormasyon, alamin mo muna kung tama o totoo ba iyon kasi nakakasakit ka ng ibang tao sa ginagawa mo. Sang-ayon ako sa kanya.
- Kung alam mo kung paanong maging ako sa paraang ini-expect mo, eh di ikaw na lang ang maging ako!
- Hanggat kaya ko, iniintindi kita at ang kalagayan mo; sana unawain mo rin naman ako.
- Salamat! Hindi mo lang alam kung gaano ko na-appreciate ang mga ginawa at ginagawa mo para sa akin. Pero may hangganan ang lahat ng bagay.
- Kung minsan, naiisip ko na mas magaan siguro ang life kung narito ka pa rin. Yun tulad ng dati na anytime kinukulit kita para hingan ng tulong o advice. Nakaka-miss, lalo na ngayon kasi alam ko na marami kang alam tungkol sa mga bagay-bagay na kailangan kong malaman. Nakaka-miss rin yun comfortable silence kapag kasama kita. Minsan, hinihiling ko na sana hindi ka na lang kinuha sa akin. Pero ganun talaga. Maniniwala na lang ako na may mahalagang dahilan kung bakit kailangan kang ipahiram sa akin kahit ilang panahon lang. Natutuwa pa rin ako kasi yun mga happy memories na lang ang naiisip ko ngayon.
Saturday, November 29, 2008
another series of random thoughts
Labels:
piece of mind
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment