“Changes happened so fast. PAGBABAGO. Nakakalula. may tinapos, may iiwanan, may sasamahan, may pakikisamahan, may pakikibagayan, may sisimulan. Isang pagbabago na lang ang inaasam. darating kaya? may tugon kaya? paano pag di mo pala gusto ang darating na pagbabago na noo'y inaasam mo? PANINIBAGO nakakapanibago. may mga bagay ka na gustong manatili sa kanilang estado. pero ikaw mismo ay kailagan magbago. nakakapanibago. gustuhin ko man, may mga bagay na di pa panahon para baguhin. hanggang dumating ang takdang panahon, mananatili muna akong maninibago sa darating na mga pagbabago. kailan kaya? ang hirap naman nito...”
Ang sabi ng isang taong hinahangaan ko, “nothing is permanent in this world, except change.” Tama, lahat nagbabago sa iba’t-ibang dahilan, sa iba’t-ibang paraan, may mga pagbabagong hindi inaasahan, mayroon din namang matagal mo nang inaasam. Mas magandang isipin na lahat ng pagbabago ay nagaganap para sa kabutihan ng lahat, pero nakalulungkot mang tanggapin, may mga pagbabagong nagdudulot lamang ng higit na
pasakit at pagdurusa.
Tama, nakalulula, ang hirap makibagay, ang hirap sumabay. Ang hirap intindihin kung bakit may mga taong nagsisimula ng isang bagay na hindi naman pala kayang panindigan—dala rin ba ito ng pagbabago? Pagbabago ng isip, ng damdamin, ng
saloobin, ng paniniwala. Ang hirap nang magtiwala.
Kung magbago ang lahat tungo sa ikabubuti ng mas nakararami, paano naman akong makasisiguro na mananatiling maayos ang lahat? Hindi ba’t mangyayari pa rin naman ang isa pang pagbabago? Paano akong maniniwala na may pag-ibig na wagas?
Hindi ba’t sa isang saglit lamang ay maaari ring magbago ang lahat?
Darating kaya? Marahil ay darating nga, subalit hanggang kailan mananatili? May tugon kaya? Marahil kung bibigkasin ang tamang katanungan maaaring marining ang kasagutan.
Gaano nga ba tayo makasisiguro na magiging maligaya tayo sa mga bagay at mangyayaring matagal na nating ninanais at inaasam? Paano kung hindi? Sapat na ba ang umasang magbabago rin namang muli ang lahat? Pero paano ang mga bagay na hindi na muli pang maibabalik sa dati? Ang nabasag na banga, ang natuyong rosas, pagtitiwalang nawala, pagkakaibigang nasira…anong uri pa ng pagbabago ang magbabalik nito sa
dating kaanyuan? Tama, hindi na nga ito maibabalik pa, hindi na mababago pa. Ang kailangan dito ay ang pagbabago ng pagtingin sa kasalukuyang kalagayan upang muling maging katanggap-tanggap.
Napakasarap isipin na may takdang panahon para sa lahat ng bagay at pangyayari. Pero sino nga ba ang nagtatakda ng pagdating ng tamang panahon?
Tama, ako man kailangang magbago, sino ba ang hindi? Napakasarap isipin na bahagi ka ng pagbabagong makapagpapabago sa takbo ng buhay. Kasabay ng pagsapit ng bukang liwayway ay ang pananabik, ang ligaya, ang init ng damdamin at pag-asa na ito na marahil ang takdang araw ng pagbangon ng lupang hinirang, isinilang mula sa puso ng karagatan, biniyayaan ng yaman at gandang hinahangaan ninuman, subalit pinag-kaitan ng pagkakataong maka-ahon mula sa kanlungan ng kamusmusan. Kailangang magbago, kailangang matutong tumayo, lumakad, tumakbo…ang mga ibon, natututong lumipad, sino ang hindi hahanga sa ganda ng paruparo na dati-rati’y isang uod na pinandidirihan? Bahagi pa rin ito ng walang hanggang pagbabago. Kasabay ng pagkamulat sa masalimuot na buhay ay ang paglago at pagbabago ng kasisipan, ng paniniwala, ng paninindigan, ng
damdamin, ng saloobin, ng kabuuan ng pagkatao…pahagi ng paglago ang pakikipag-ugnayan, ang pakiki-isa, ang pakikisama.
Dumarating din ang panahon ng paglisan, masakit ang mawalay sa mga tao o bagay na nakasanayan na natin ng laging nandyan. Minsan, naisip ko, sana hindi na lang sila dumating, sana hindi ako nasasaktan. Ngunit ang lahat ay bahagi ng isang realidad na ‘di na maaaring baguhin pa. Isang pagbabago na naman ang kailangan…marahil darating
din ang takdang panahon na mauunawaan ko kung bakit kailangang mangyari ang lahat, marahil magbabago rin ang pagtingin ko sa mga pangyayari at matatanggap ang lahat. Kailan nga kaya? Sino ang magtatakda? Hindi ako, hindi ikaw, hindi sila…
Pag-asa…ito na lang yata ang nalalabing kataga na nagdudulot ng ngiti sa aking mga labi, na patuloy na nagpapatibok ng aking puso, na patuloy na nagbibigay ng halaga sa buhay. Tama, meron pang pag-asa…
Paumanhin, masyado lang akong nadala ng mga katanungan at ng mga kasalukyang nangyayari sa kapaligiran. Nawa’y manatili tayong maligaya at may pag-asa, sa kabila ng lahat. Magandang pa rin ang bawat araw.
No comments:
Post a Comment